Ako po ay empleyado sa isang ahensya ng gobyerno dito sa Maynila. May 12 taon na akong nagtatrabaho rito at hindi na bago sa akin ang mga lagay at suhol na dumadaan sa aming tanggapan. Noong unay hindi ko ito pinapansin at kung minsay maging ako ay naaabutan na rin. Ngunit sa pagdaan ng panahon, nagiging talamak na ang mga pagtanggap ng aking mga ka-opisina, kadalasay harap-harapan na ang kanilang paghingi. Bilang isang empleyado ng pamahalaan, alam kong mali ang aming naging gawi. Sa ngayon gustuhin ko mang ibunyag ang anomalya sa aming tanggapan, hindi ko ito magawa. Natatakot akong mabalikan ang aking mga kasamahan. May garantiya bang kaya akong bigyang proteksyon kung nanaisin kong magsalita? Maaabsuwelto ba ako kung gagawin kong magsumbong? Sa anong ahensya ako dapat lumapit?
Sa ating Ombudsman Law o RA 6770, ang Ombudsman ay maaaring magbigay ng immunity sa kriminal na paglilitis sa isang tao na ang testimonya o ang posesyon at pagkakaroon ng mga dokumento o ibang ebidensya ay kinakailangan para malaman ang katotohanan sa isang paglilitis na isinasagawa ng Ombudsman. Ngunit ang immunity na ito ay hindi maaaring magamit sa isang pagsisinungaling (perjury o false testimony) o sa pagpapatanggal o demosyon sa trabaho.Ang opisina ng Ombudsman ay tumatanggap ng kahit na anong reklamo laban sa isang official act ng kawani/empleyado ng gobyerno "in whatever form", na ang ibig sabihin ay kahit ng isang kapirasong papel lamang na pinirmahan ng nagrereklamo.