Marami pa umanong ibubulgar si Singson sa Lunes. Sinabi pa nitong ilalaban niya hanggang kamatayan ang mga ibinulgar para malaman ng taumbayan ang nangyayaring corruption sa gobyerno. Ibubulgar umano niya ang mga nalalaman at sinabi ring madadawit ang pamilya ni Estrada sa gagawin niyang pagsisiwalat. Hindi lamang aniya sa jueteng ang mahahalukay kundi pati buhay ni Estrada.
Hindi na mahalaga kung ano ang ibubunyag niya tungkol sa iba pang pansariling buhay ni Estrada, ang mahalagay ang katotohanan ng milyong pisong ibinibigay niya sa Malacañang. Sinabi nitong nagbibigay siya sa Malacañang ng P33-milyon, kung minsay P32-milyon o kayay P29-milyon buwan-buwan. Nagsimula aniya siyang magbigay sa Malacañang noong August 1998, pag-upo ni Estrada sa puwesto.
Kung matapang si Singson, matindi rin ang alegasyon ni Senate Minority Leader Teofisto Guingona Jr. Inakusahan nito si Estrada na tumanggap ng P220-million jueteng money kay Singson mula November 1998 hanggang August ng kasalukuyang taon. Bukod dito sinabi rin ni Guingona na tumanggap si Estrada ng P70-million kay Singson bilang excise tax sa sigarilyo.
Sumingaw ang jueteng money makaraang mahuli sa isang traffic violations si Singson at sinabing hina-harass siya at gustong "itumba" ng mga nasa "itaas" dahil sa pagkontra niya sa Bingo 2-Ball operations sa kanyang probinsiya. Ang nakapagtatakay, bakit ngayon lamang pumiyok si Singson gayong 1998 pa siya nagbibigay sa Malacañang.
Sinimulan ni Singson ang pagbubulgar at marami ang nag-aabang kung hanggang saan aabot ang kanyang tapang. Kung magbubunga at mapapatunayan ang kanyang ibinulgar, maaaring tawagin siyang "bayani" sapagkat matatalupan ang malalaking taong nakikinabang sa sugal na nagpapahirap naman sa taumbayan. Kung mangyayariy baka mabawasan ang sugal sa bansang ito na inaasahan nang marami na hahango sa kanilang kahirapan na isang malaking kamalian.