Dumating ang State Prosecutor. Sa tindig pa lamang ay umaani na ng respeto. Lalo na kung magsalita: tila lalamunin ng buhay ang katunggali. "Companyero, long time no see, may kaso ka bang hinahawakan dito?" ang bati sa abogado ng mga negosyante. Dili yatat magka-klase sila sa law school. Sabay pumasok ang defense lawyer ng mga may kasong kidnap at ang Public Attorneys Office. At ang mga diyaske, magkakakilala silang lahat. Mangyari ay nagkasama o nagkatunggali na sa ibang kaso at ito ay trabaho lang. Walang personalan. Masayang nagkukuwentuhan . . . "the grave error of that Supreme Court Justice is that he admitted the fact so soon. Sana, pinatapos na muna niya ang bar hysteria." Komentaryo ng de kampanilyang abogado. Di naman nagpatalo ang makakaharap sa korte. "No, Compañero, that is perfectly a gentlemans act. Only, he was gobbled up by the press. Pinag-uusapan ang iskandalo sa bar image of our legal profession," Ang nalulungkot na konklusyon ng public prosecutor. Gustong humirit ng PAO lawyer ngunit walang masabi.
"Everybody stand. The Court is now in session. Honorable Judge Elena T. Alonzo presiding," anunsiyo ng interpreter. Lahat ay tumayo. Katahimikan. Pumasok ang kagalang-galang na hukom. Lalong kagalang-galang ngayon. Bago ang kanyang hairdo, nagpakulot at itim na itim, bagay na bagay sa itim na roba. Walang mag-aakalang 58 anyos na ito, ang kolerete sa mukhay natural. "Tok", ang palo sa malyete. "Be seated".
Kinabahan si Susan. Bakit wala pa ang atorni niya? Sa orasan ay mag-aalas-10 na. "Pero natawagan ko naman siya kahapon sa telepono at nangakong darating. Diyos ko po, ano kaya ang nangyari sa kanya? Pero hindi dapat mabahala. Ang pagkabahala ay insulto sa Diyos." (Itutuloy)