Sunod ay ang court stenographer. May maliit na tila typewriter sa harap ng mesa nito. Minsan, ay kasama rin itong tape recorder. Sa pagkakaalam ni Susan, ito ang nagre-rekord sa lahat ng sinasabi sa Korte. Sana maitala ng stenographer na wala talaga akong kamalian. Sa likod ng stenographer ay ang naka-angat na tuntungan ng mga testigo. Ang witness stand. Sari-sari ang umuupo rito: May mga nagsasabi ng tapat, ang iba ay naghahabi ng kuwento; may mga magagaling bumoka, mayroon namang nauutal; may mga kusa, ang ilan ay napilitan. Lord bigyan mo ako ng lakas na lumabas sa aking dila ang bersiyon ko ng totoo na hindi nalalayo sa tunay na totoo. Ngunit hindi na ako uupo riyan!
Sa sentro ng Korte ang upuan at mesa ng mahistrado. Mas mataas pa ito sa upuan ng testigo: representasyon na nasasaklawan ng hukom ang lahat ng nasa korteng iyon. Siya ang mangingilatis kung sino ang may sala o wala. May kapangyarihan siyang buklatin ang nakaraan at tingnan ang mga pangyayari ayon sa salaysay ng mga testigo. Ang magkatunggaling anggulo ay kanyang tinitimbang batay sa isinumiteng ebidensiya. At kailangang walang duda, ni isang hibla ng pag-aalinlangan, ang susuong sa kanyang isip, para hatulan ang isang nasasakdal. Lord bigyan niyo ng karunungan ang aking hukom na maaninag niya ang tunay sa di tunay. Iginala ni Susan ang paningin. Muli ay nakita ang pigura ng babaeng nakapiring at may hawak na timbangan at espada. Timbangin nyo ang aking pagkatao at malalaman nyong nagkamali kayo sa pagtabas sa aking kalayaan. (Itutuloy)