Itong si Lacson naman ay inaasinta rin ang puwesto ni Mercado. Dahil sa tingin niya at ng kanyang mga handlers, itong puwesto ni Mercado ay makakatulong nang malaki para maisulong nga ang ambisyon niyang pulitikal sa darating na panahon. Maliban sa defense department, mayroon pang isang opisina si Mercado, yan ay ang National Disaster Coordinating Council (NDCC). Ang NDCC ang namamahala sa mga lugar na tinamaan ng calamity tulad ng bagyo, lindol, malakihang sunog at iba pa.
Ayon sa aking espiya, gusto ni Lacson ang puwesto dahil gagamitin niya ang pondo ng NDCC para nga maikot niya ang buong kapuluan ng libre at nang sa gayon ay makilala siya ng mamamayan lalo na yong mga biktima ng kalamidad. May punto ang espiya ko ano? At hindi lang yan. Maging ang buong puwersa ng militar ay mapasasailalim din ni Lacson kayat kung ano man ang kanyang gugustuhin para maisulong ang kanyang ambisyong pulitikal ay magagawa niya. Tama rin siya dito ano?
Sa hirap ng buhay ngayon na ang mga mahihirap ay lalong naghihirap, ang katwiran ni Lacson para maitalaga siya ni Erap sa puwesto ni Mercado, ay kailangang makontrol nila ang AFP dahil yan lamang ang puwersa na may kayang magsagawa o magsimula ng kaguluhan. Ang balita ko nag-sorry si Lacson kay Reyes dahil sa mga tinuran niya ukol sa military operations laban sa Abu Sayyaf. Eh, kahit mag-sorry pa siya nandoon na ang damage at nagmukhang pogi na naman siya sa kanyang tinuran. Ang ibig kung sabihin, naging kontrobersyal na naman si Lacson at tagumpay ang plano nila na siya ay mapag-usapan. Hindi lang yan. Nagmukhang kawawa si Reyes dahil sa hindi niya pagsagot sa isyu kahit na pinipilit na siya ng ilang junior officers ng militar na sumagot.
Pero maaaring magkaroon din ng puntos si Reyes dito dahil sa napatunayan na isa siyang officer and a gentleman. Kung sino ang mananalo sa hidwaang ito nina Reyes at Lacson ay malalaman din natin sa darating na rigodon sa Gabinete ni Erap. Puwedeng magpustahan dito ang mga sugarol.