BANTAY KAPWA - Pagte-text at dress code

SINIMULAN ni Makati Mayor Elenita Binay ang pagbabawal sa mga ‘‘bading’’ na magsuot ng gamit ng babae. Inihayag din ng mayor na dapat na sumunod sa dress code ang mga kawani ng pamahalaang-lungsod ng Makati. Hindi maipagkaila na maraming empleyadong ‘‘bading’’ sa Makati City Hall at ang pananamit at pagkilos nila ay tampulan ng halakhak at kantiyaw hindi lamang ng mga kapwa kawani nila kundi pati mga taong may transaksyon at nilalakad sa city hall. Kasunod nito, ipinagbawal din ang pagte-text-message lalo na sa oras ng trabaho.

Ang nangyaring ito sa Makati City ay sinundan ng pamahalaang bayan ng Cainta. Ipinag-utos ni Mayor Nick Felix na ipagbawal ang pagte-text. Sinabi ni Mayor Felix na malaking abala sa pagtatrabaho ang pagte-text ng mga empleyado. Napuna ng mayor ang pagte-text ay malaking kabawasan sa work output ng bawat section kung kaya ay pinagsabihan ng mayor ang mga sector chief na sila ang mananagot sa pagkabalam ng mga bagay-bagay na dapat mabigyang aksyon bunga na nga ng abalang likha ng pagte-text.

Isa pa ring binigyang pansin ni Mayor Felix ay ang pananamit ng mga kawani ng pamahalaang bayan. Bagama’t hindi kasindami ng sa Makati ang mga ‘‘bading’’ sa munisipyo ng Cainta nanawagan din ang mayor sa mga kawaning ‘‘bading’’ na ayusin ang kanilang kasuutan at maging kagalang-galang sila para huwag silang ulanin ng tukso.

Hindi lamang sa Makati at sa Cainta dapat pairalin ang mga patakarang ito kundi sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at sa buong kapuluan.

Show comments