PBA Grand Slam sunod na target ng TNT

MANILA, Philippines — Sa pagkopo sa kanilang back-to-back championship, may tsansa ang TNT Tropang Giga na maging pang-limang koponan na nanalo ng PBA Grand Slam.
Tinalo ng Tropang Giga ang karibal na Barangay Ginebra Gin Kings sa Game Seven via overtime, 87-83, para pagharian ang Season 49 PBA Commissioner’s Cup noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang nagkampeon ang Manny V. Pangilinan-owned franchise sa PBA Governors Cup laban sa Gin Kings noong Nobyembre bago makopo ang ika-11 titulo.
Sunod na target ng TNT ang korona ng darating na PBA Philippine Cup sa Abril.
Ang apat na koponang hinirang na PBA Grand Slam champions ay ang Crispa (1976 at 1983), ang San Miguel (1989), ang Alaska (1986) at ang San Mig Coffee (2014).
Si Ginebra coach Tim Cone ang gumiya sa Alaska at San Mig Coffee.
“There is going to be tremendous pressure on us. There’s going to be a huge target on our backs,” ani Tropang Giga mentor Chot Reyes matapos takasan ang Gin Kings sa Game Seven. “Of course, 11 other teams are going to do their darn best to stop us.”
Nakalapit na rin si Reyes sa PBA Grand Slam nang ipanalo ang Talk ‘N Text sa 2010-2011 Philippine at Commissioner’s Cup, ngunit nabigo sa San Miguel sa Game Seven ng Governors’ Cup Finals.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng TNT sa Ginebra sa kanilang PBA titular showdown matapos sa 2023 at 2024 Governors’ Cup.
Naglalaro si import Rondae Hollis-Jefferson na may pulled hamstring simula sa semifinals series nila ng Rain or Shine bukod pa sa abdominal pain nang mabangga sa speaker sa tabi ng committee table sa panalo nila sa Game Six.
Ngunit inilaban pa rin ito ng three-time PBA Best Import hanggang sa huling segundo ng overtime period sa Game Seven.
- Latest