4 katao itinumba sa Cebu City

MANILA, Philippines — Apat katao ang pinagbabaril sa magkakahiwalay na insidente sa lungsod ng Cebu, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 7, pasado alas-12 ng hatinggabi nitong Sabado nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang gunman ang isang 27-anyos na lalaki habang naglalakad kasama ang kaniyang live-in partner sa Brgy. Sambag 2 ng lungsod.
Ang biktimang si Danilo Tenebroso ay agad binawian ng buhay sa tinamong tama ng bala sa ulo at mabilis na nagsitakas ang dalawang salarin na lulan ng motorsiklong hindi nakuha ang plaka.
Bandang alas-4 ng hapon nang sumunod na itumba ang biktimang si Mark Bagtong, 36, sa Brgy. Quiot, Cebu City habang lulan ng minamaneho nitong motorsiklo nang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang gunman.
Sa bayan ng Liloan, napaslang din nang pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga salarin ang isa pang biktima na si Jomar Andrino, dakong alas-3:10 ng madaling araw noong Sabado kung saan dead-on-the-spot nang masapol ng tama ng bala sa ulo.
Bago ito, dakong alas-6 ng gabi noong Biyernes ay pinagbabaril at napatay rin ang biktimang si Paul Warren Gonzales sa Brgy. Singsing, Balamban, Cebu ng hindi pa nakilalang armadong mga lalaki.
- Latest