2 pasahero arestado sa bomb joke sa eroplanong papa-landing!

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang pasahero matapos na mag-bomb joke habang sakay ng eroplano ng Cebu Pacific habang malapit nang mag-landing sa Bohol-Panglao International Airport sa Bohol nitong Sabado ng umaga.
Sa report ng PNP-Aviation Security Group (Avsegroup) at Civil Aviation Authority of the Philippines-Security and Intelligence Service (CAAP-CSIS), narinig ng flight attendant ang dalawang pasahero habang nagtatawanan pa sa kanilang bomb joke dakong alas-11 ng umaga.
Sinabi umano ng dalawang pasaway na pasahero na may sasabog na bomba sa loob ng nasabing eroplano habang sila ay papa-landing.
Nang maka-landing, hindi agad pinababa ang mga pasahero at bilang bahagi ng protocol ay nag-request ng clearance ang piloto ng eroplano para masuri ang aircraft cabin at mga bagahe ng pasahero na masusing isinailalim sa mahigpit na pag-iinspeksiyon.
Agad namang inaresto ang dalawang pasahero habang nagsagawa rin ng assessment ang CSIS operatives sa sitwasyon ng Cebu Pacific flight 5J617 kung saan naantala ang operasyon ng nasabing aircraft bunga ng insidente.
Nahaharap ngayon ang dalawang pasahero sa paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law na may katapat na parusang hindi hihigit sa limang taong pagkakabilanggo at multang P40,000.
- Latest