Hiyasmin (231)
“Hindi ko ikinahiya ang nangyari sa akin na nabuntis habang nasa ibang bansa at anak ng amo ang ama ng aking dinadala. Sa aming lugar, mas itago ang nangyari ay lalong pinag-uusapan ng mga tao. Kung makita nilang buntis ako, wala na silang masasabi dahil nakita na ang ebidensiya. Hindi na gaanong mag-uusisa.
May mga na-excite pa nga sa aming mga kapitbahay at inaabangan ang aking panganganak. Gusto raw nilang makita ang itsura ng aking magiging anak. May nagsabi na kung lalaki raw ang anak ko, tiyak na guwapo at kung babae, tiyak na maganda.
“Hanggang sa manganak ako. Normal delivery. Babae ang ipinanganak ko. Tuwang-tuwa sina Itay at Inay. Napakaganda raw ng anak ko. Kahit sanggol pa lang daw ay nababanaag na ang kagandahan.
“Nang dalhin sa akin ang sanggol, napaiyak ako nang makita siya. Maganda nga ang anak ko. Hindi maipagkakaila na anak ng Arabo.
“Pinangalanan kong Hiyasmin ang aking anak. Kinuha ko ang name na Yasmin sa pangalan ng amo kong babae—Yasmien. Ikinabit ko na lang ang Hiyas para may tunog Pinoy ang name.
“Habang lumalaki si Hiyasmin ay lalo siyang nagiging maganda. Kinatuwaan siya ng mga kapitbahay namin. Bukod sa maganda ay bibo pa. Sa school siya lagi ang muse.
“Nang mamatay ang itay at inay ko, nahirapan ako kung paano aalagaan si Hiyasmin. May trabaho na kasi ako nun.”
(Itutuloy)
- Latest