Hiyasming (228)
“NAGKAROON ako ng kutob na kaya hindi na umuuwi sa bahay si Rashid ay dahil iniiwasan na ako. Ayaw niyang masangkot sa kalagayan ko. Ang pagkakaalam ko, nasa kamag-anak daw sa Al-Ahmadi si Rashid. Ang Al-Ahmadi ay isa sa malaking siyudad sa Kuwait. Narinig ko ang pag-uusap ng aking among lalaki at babae na maaring magtagal daw sa Al-Ahmadi si Rashid at maaaring doon na magtrabaho.
“Dahil sa aking mga nalaman, natiyak kong imposible nang magkita pa kami ni Rashid. Sinadya niyang umalis para makaiwas sa akin.
“Tinatagan ko ang sarili. Kailangan kong makagawa ng paraan. Kung hindi ako gagawa ng paraan na makauwi sa Pinas, mahahalata ang paglaki ng tiyan ko. Maaring magkaroon ako ng problema. Baka kung anu-ano pa ang ibintang sa akin. Baka makasuhan ako. Bakit ako nabuntis e wala namang asawa. Baka makulong pa ako.
“Isang paraan ang aking naisip para agarang makauwi ng Pinas. Gumawa ako kunwari ng sulat na galing sa Pinas na nagsasaad na namatay ang aking ama. Kailangan kong makauwi sa lalong madaling panahon.
“Ipinakita ko ang “sulat” sa aking mga amo. Pinayagan akong makauwi.” (Itutuloy)
- Latest