Publiko, binalaan ng DOH vs mala-trangkasong sakit na hatid ng malamig na panahon
![Publiko, binalaan ng DOH vs mala-trangkasong sakit na hatid ng malamig na panahon](https://media.philstar.com/photos/2025/01/31/doh_2025-01-31_23-52-54.jpg)
MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga influenza-like illnesses (ILIs) o mala-trangkasong sakit, na maaari aniyang makuha mula sa malamig na panahon.
Ayon kay Health Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, mabilis na kumalat ang naturang sakit tuwing cold season.
Paliwanag niya, dahil kasi sa malamig na panahon at pagbabago ng moisture content ng hangin, naninibago at naiirita ang ating respiratory tract, o ang daanan ng hangin sa ating katawan, kahit walang virus o bakteriya.
Sa kabila naman nito, kinumpirma ng DOH na wala silang naitatalang pagtaas ng ILIs sa bansa.
Base sa monitoring ng DOH, hanggang Enero 18 ay nasa 5,789 ILIs ang kanilang naitala sa Pilipinas.
Mas mababa ito ng 54% kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon, na nasa 12,620 ILIs lamang.
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na regular na maghugas ng kamay, uminom ng maraming tubig, kumain ng masustansiyang pagkain at matulog ng sapat upang mapanatiling malusog ang katawan at malayo sa sakit.
Sakali naman umanong nakakaramdam na ng mga sintomas ng ILIs ay manatili na lamang muna sa bahay at magpahinga at ugaliing magsuot ng face mask.
Una nang sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang malamig na panahon hanggang sa Pebrero.
- Latest