SMB nahirapan sa Converge
MANILA, Philippines — Hindi inasahan ng mga basketball fans na makakaisa ang Converge laban sa San Miguel, lalo pa at nakapuwersa ito ng Game Five sa kanilang quarterfinals series.
Ngunit sa huli ay nangibabaw ang pagiging veteran at champion team ng Beermen nang sibakin ang FiberXers, 109-105, sa kanilang ‘do-or-die’ match sa Season 49 PBA Governors’ Cup noong Linggo.
“It’s a pesky young team,” sabi ni SMB coach Jorge Gallent sa Converge. “We had a hard time going back on defense and everything.”
Isinara ng Beermen sa 3-2 ang kanilang best-of-five quarterfinals duel ng FiberXers.
Lalabanan ng San Miguel ang Barangay Ginebra sa best-of-seven semfinals showdown na sasambulat bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos naman sa isa pang serye ang nagdedepensang TNT Tropang Giga at mapanganib na Rain or Shine.
Nang kunin ng Beermen ang 2-0 lead sa serye ay inasahan na ang kanilang pagwalis sa FiberXers.
Ngunit isinalpak ni Alec Stockton ang buzzer-beating jumper para sa 114-112 panalo ng Converge sa Game Three bago ito sinundan ng 114-100 dominasyon sa Game Four para makahirit ng Game Five.
Sa pananaig ng SMB sa Game Five ay humakot si June Mar Fajardo ng 40 points at 24 rebounds.
“Sobrang bilis nila. Kumpleto sila. May bigs sila tapos may shooters sila,” sabi ng eight-time PBA MVP. “Magiging contender siguro ‘yung Converge in the future.”
- Latest