Northport nagpatibay sa ‘twice-to-beat’
MANILA, Philippines — Namuro ang NorthPort sa ‘twice-to-beat’ quarterfinal advantage matapos pupugin ang Blackwater, 120-93, sa maugong na pagtatapos ng kampanya nito sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Halos hindi pinawisan ang Batang Pier sa 27-puntos na blowout win upang magtapos sa No. 1 seed sa ngayon hawak ang 9-3 kartada sa likod ng puwersa nina import Kadeem Jack, Joshua Munzon at Arvin Tolentino.
Kailangan pang maghintay ng NorthPort sa natitirang laban ng iba pang koponan subalit maganda ang kapalaran nito lalo’t tinalo ang dalawa sa tatlong tropang puwede nilang makatabla.
Hawak ang pare-parehong 7-3 kartada, tanging ang Meralco, Eastern at TNT na lang ang mga koponang maaaring makahabol sa Batang Pier sa 9-3 katada.
Mula sa tatlo, tinalo ng NorthPort ang Eastern, 120-113, at TNT, 100-95, habang sa Meralco lang nabigo, 94-111.
Nagawa ito ng Batang Pier mula sa trangko ni Jack na kumamada ng 30 points, 6 rebounds at 2 steals.
Nagbuslo naman ng 21 points si Munzon at kumolekta ng triple-double na 14 markers 10 rebounds at 11 assists si Tolentino.
Sumuporta sa trio sina Allyn Bulanadi at Paolo Taha na may tig-12 points pati na sina Evan Nelle at Will Navarro na may tig-7 marka.
Kagagaling lang ng NorthPort sa 105-104 upset win sa San Miguel at kinailangan lang ng first half upang makaalagwa sa Blackwater, 60-43, hanggang lumamang pa ng 36 points tungo sa tagumpay.
Ininda ng Blackwater ang kawalan ng import na si George King sa ikalawang sunod na laban upang magtapos sa 3-9.
Kahit wala si King ay tinalo ng Blackwater ang Phoenix, 100-92, subalit hindi umubra sa NorthPort nang sina Justin Chua at RK Ilagan lang ang nakaiskor ng 15 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
- Latest