141 sugatan sa paputok sa pagsalubong sa 2025
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 141 bagong kaso ng mga nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa Taong 2025.
Ayon sa DOH, ang bilang ng fireworks-related injuries (FWRIs) sa bansa sa pagsalubong ng Bagong Taon ay mas mababa ng 64% kumpara sa naitala nilang nabiktima ng paputok sa pagsalubong ng Taong 2024.
Gayunman, maaari umanong madagdagan pa ang naturang bilang dahil sa late reporting.
Ayon sa DOH, bunsod ng mga bagong kaso ay umaabot na ngayon sa 340 ang naitalang FWRI cases simula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Enero 1, 2025.
Mas mababa ito ng 34% kumpara sa 519 kaso ng nakaraang taon.
Sa naturang bagong kaso, 11 ang late report lamang.
Nasa 202 kaso o 59% ang nasugatan dahil sa illegal firecrackers gaya ng Boga, 5-Star, at Piccolo.
Ang 186 sa kanila o 54.7% naman ay aktibong gumamit ng paputok.
Nasa 239 kaso naman ay nagkakaedad ng 19 taong gulang pababa habang 299 ay mga lalaki.
Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng eye injuries, amputation o pagkaputol ng bahagi ng katawan at paso dahil sa paputok.
Anang DOH, majority ng mga biktima ay menor de edad.
Pinayuhan naman ng DOH ang mga nasugatan sa paputok na kaagad magtungo sa doktor upang magpabakuna kontra tetano.
Payo pa ng DOH, sakali umanong may hindi pumutok na fireworks ay huwag na itong pulutin pa.
Dapat d in umanong linisin ang paligid mula sa firecracker residue.
- Latest