Sotto tuloy ang pagpapasikat sa Japan B.League
MANILA, Philippines — Patuloy ang matikas na inilalaro ni Gilas Pilipinas Kai Sotto na muling nagpasiklab sa Japan B.League.
Gumawa na naman ang Pinoy cager ng panibagong double-double output para pamunuan ang Koshigaya Alphas na wasakin ang Kawasaki Brave Thunders, 100-74, sa 2024-25 Japan B.League na ginanap sa Koshigaya City Gymnasium.
Nagrehistro ang 7-foot-3 dating Ateneo de Manila University standout ng 25 puntos at personal best na 18 rebounds upang banderahan ang opensa ng Alphas.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Alphas matapos patumbahin ang Brave Thunders, 101-77, noong Sabado.
Sa kabuuan, may anim na panalo na ang Alphas para umangat sa 6-12 rekord.
Magandang resbak ito para kay Sotto na nalimitahan sa anim na puntos at anim na rebounds sa unang laro nito kontra sa Brave Thunders.
Galing si Sotto sa matikas na ratsada sa second window ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers na parehong ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Maganda ang laro ni Sotto sa qualifiers kung saan isa ito sa naasahan ng Gilas Pilipinas sa panalo nito kontra sa New Zealand at Hong Kong.
Dahil sa ganda ng laro ni Sotto, naniniwala si Gilas coach Tim Cone na kaya na nitong makipagsabayan sa matitikas na players sa NBA.
- Latest