LTO paiikliin ang exam sa pagkuha ng driver’s license
MANILA, Philippines — Upang hindi na tangkilikin ng ilang aplikante ang alok na mga serbisyo ng fixer ay pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang posibilidad na paikliin ang exam para sa mga kukuha ng lisensya ng pagmamaneho.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade na ang kasalukuyang exam para sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho ay inaabot ng isang oras.
Kaugnay nito, inutos ni Tugade ang pagbuo ng komite na susuri kung maaaring mapaikli ang pagsusulit nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng driver na makakapasa.
Kabilang sa mga pinag-aaralang pagsusulit ay para sa mga bagong kumukuha ng non-professional license at conductor’s license, pinababagong klasipikasyon mula non-professional tungong professional driver’s license, at pagdaragdag ng driver’s license code.
Maliban sa pagpapaikli ng oras ng pagsusulit ay inaaral na rin ng komite na gawing “customized” ang mga tanong, depende sa klasipikasyon ng lisensya o driver’s license code na kinukuha ng aplikante.
- Latest