Lalaki hinostage 1 pamilya, arestado

MANILA, Philippines — Isang 42-anyos na lalaki ang dinakip matapos i-hostage ang isang pamilya, kabilang ang dalawang taong gulang na batang babae Martes ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si alias Quilala, 42, jobless at residente ng Roque 2, Pingkian, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Nailigtas naman ang mga biktimang sina “Carlos”, 40; “Rowena”, 33; “Maribel”, 24; “Carlos”, 75, at ang 2-anyos na apong batang babae na nakilalang si alias “CDM”, pawang kapitbahay ng suspek.
Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang pangho-hostage bandang alas-10:30 ng gabi sa bahay ng mga biktima sa Roque 2, Pingkian, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng QCPD Holy Spirit Police Station 14, sa hindi malamang dahilan, pinasok ng suspek ang bahay ng mga biktima habang armado ng bolo at kutsilyo, at tinangkang tagain sina Carlos at Maribel.
Subalit mabilis na nakailag sina Carlos at Maribel na tumakbo palabas ng kanilang bahay at nagpasaklolo sa kanilang mga kapitbahay.
Naalarma ang suspek kaya agad na hinostage ang bata, ang inang si Rowena at ang lolo nito.
Inutusan ng suspek ang lolo na paandarin ang kanyang jeepney upang makatakas.
Pero agad na nagresponde ang mga tauhan ng PS 14 sa pangunguna ni PCaptain Honey D Besas at sakay ng mga mobile patrol, ay hinabol nila ang jeep na sinasakyan ng suspek at ng mga hostage nito.
Nakorner ang jeep at naaresto ang suspek sa kanto ng Quezon Avenue at Elliptical Road sa lungsod.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong 3 counts of attempted murder, grave threats, malicious mischief. disobedience/resistance to agent of person in authority at alarms and scandals.
- Latest