Quezon City Kontra-Bigay Committee vs vote buying, activated na
MANILA, Philippines — Magsisimula nang kumilos ang QC-Kontra Bigay Committee laban sa mga kandidato at mamamayan ng lungsod na mapapatunayang namimili at nagbebenta ng boto kaugnay ng nalalapit na May 12 midterm election.
Ayon kay Atty. Jan Fajardo ng Comelec Quezon City, ang komite na binubuo ng Comelec, Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd), Civil Service Commission (CSC), Department of Social Welfare and Development (DWSD), PPCRV, Joint Task Force-Armed Forces of the Philippines (JTF-AFP) at iba pang ahensiya ay may kakayahan nang kontrahin, imbestigahan at kasuhan ang mga nasa likod ng vote buying at vote selling sa lungsod.
Isinagawa ang activation ng Kontra Bigay Committee sa QC Hall na dinaluhan ng mga representatives ng naturang mga ahensiya ng gobyerno alinsunod sa Comelec Resolution 11104 ng Comelec na nagbubuo sa Kontra Bigay Committee at Local Kontra Bigay Committee.
Aniya, maglalagay din sila ng complaint desk kung saan maaari at mas mapapabilis ang pagrereklamo sa vote buying bukod sa normal na proseso katuwang ang Department of Justice (DOJ) at PNP upang kumalap ng mga ebedensiya hinggil dito.
Ang sinumang mapapatunayang nagsagawa ng vote buying ay maaaring maparusahan nang mula isa hanggang 6 na taong pagkabilanggo na walang probation.
- Latest