Road rage sa Quezon City: 2 niratrat ng pulis, 1 patay!

MANILA, Philippines — Patay ang isang driver habang sugatan naman ang katrabaho nito matapos na pagbabarilin ng isang pulis dahil sa away trapiko kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Ronnie Borromeo, 42, residente ng Valenzuela habang inoobserbahan naman ang kasamahan na si Reynaldo Hagos, 51, fabricator at naninirahan sa Meycauayan, Bulacan.
Kusang loob namang sumuko PEMS Randy Tuzon, 48, naka-assign sa Batasan Police Station 6 at residente ng Brgy. Kaligayahan, Q.C.
Batay sa record ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara ng nabanggit na lungsod.
Sakay ang mga biktima ng Mitsubishi L300
kasama ang mga saksi na sina John Patrick Hagos, Jerald Fernandez at Virgilio Ibay, Jr. nang makasabay si Tuzon na nagmamaneho naman ng Mitsubishi L300 na may marking ng isang delivery app sa Tandang Sora Ave.
Sa gitna ng trapiko, nagkaroon ng mainit na pagtatalo si Borromeo at ang pulis na humantong sa pagharang ng huli sa sasakyan ng una at muling nagkasagutan.
Dito na binunot ng pulis ang kanyang baril at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima. Dinala pa sa ospital si Borromeo subalit namatay din habang nasa kritikal na kondisyon si Reynaldo.
Humarurot naman ang suspek na pulis at nagtungo sa Batasan Police Station at isinuko ang kanyang sarili.
Tiniyak naman ng QCPD na sasampahan ng kasong Homicide at Frustrated Homicide ang suspek.
- Latest