Construction worker, nahulihan ng shabu at baril, arestado

MANILA, Philippines — Arestado ang isang construction worker matapos na mahulihan ng mga awtoridad ng hinihinalang shabu at baril sa Pasig City kahapon ng madaling araw.
Ang suspek ay kinilala lang na si alyas ‘Gust,’ 34, at residente ng Centennial 1A, Nagpayong, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na dakong ala-1:47 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa loob ng kanyang tahanan.
Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t isinailalim ito sa serye ng surveillance at intelligence validation.
Nang makumpirma ang ulat, kaagad na tinungo ng mga awtoridad ang tahanan ng suspek at sa bisa ng isang search warrant, na inisyu ni Executive Judge Achilles Bulauitan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 154, ay hinalughog ito.
Kaagad namang inaresto at binitbit ng mga awtoridad ang suspek sa presinto nang mahulihan ng tinatayang aabot sa 10.5 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P71,400 at isang kalibre 38 na baril na may kargado ng dalawang bala.
- Latest