82 pari at religious brothers, sangkot daw sa pang-aabuso?

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Office on the Protection of Minors and Vulnerable Persons na kumikilos ang Simbahang Katolika laban sa mga paring sangkot sa katiwalian, lalo na sa usapin ng sexual abuse sa kabataan at mahihinang sektor ng lipunan.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Vice Chairperson ng tanggapan iginagalang nito ang proseso ng korte na kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig sa kaso ng mga paring sangkot sa pang-aabuso at hinihintay ang resulta ng imbestigasyon bago maisapubliko.
Nabatid na batay sa ginanap na “Zero Tolerance” summit ng Ending Clergy Abuse at sa ulat ng US-based watchdog BishopAccountability.org, nasa 82 pari at religious brothers sa Pilipinas ang sangkot sa mga pang-aabuso, kabilang ang ilang pumanaw na.
Sinabi ni Bishop Alminaza na sinusunod din ng simbahan ang victims first policy kung saan tinutulungan ang mga biktima ng pang-aabuso ng mga pastol ng simbahan para sa kanilang pangangailangan at makamit ang katarungan.
Aniya pa, bagamat may ibang mga biktima ang hindi nagpapatuloy sa pagsampa ng reklamo ay pinag-aaralan ng simbahan ang kaso at nagkakaroon ng imbestigasyon na kung mapapatunayang guilty ang isang pari ay papatawan ito ng parusa alinsunod sa isinasaad ng canon law at kung inosente naman sa reklamo ay magkakaroon ng reparation para sa nasirang reputasyon.
Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa si Bishop Alminaza sa mga biktima ng pang-aabuso at hinimok ang mamamayan magtulungang idulog sa mga nararapat na tanggapan ang mga pang-aabusong kinasasangkutan ng mga pari at iba pang lingkod ng simbahan dahil ito ay bahagi ng tungkulin at pananagutan bilang mga pastol ng simbahang katolika.
- Latest