2 Pinay na biktima ng human trafficking nasagip
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang babaeng Pinay na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking matapos silang subukang ipuslit upang magtrabaho nang ilegal sa ibang bansa.
Ayon kay Mary Jane Hizon, pinuno ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), naharang ang dalawang biktima noong Enero 27.
Nagpanggap bilang mga regular na turista ang dalawa ngunit napansin ng mga opisyal ang kahina-hinalang kilos nila, kaya sila ay isinailalim sa masusing panayam.
Dito inamin ng dalawa na patungo sila sa Malaysia matapos silang ma-recruit ng isang babaeng nakilala nila bilang ‘Madame’ upang magtrabaho bilang mga tagalinis sa isang hotel. Pinayuhan din sila ng recruiter na magpanggap muna bilang turista habang inaayos pa ang kanilang work visa sa nasabing bansa.
Pinaalalahanan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang publiko hinggil sa tinatawag na “tourist worker scheme,” isang modus operandi na madalas gamitin ng mga illegal recruiter upang linlangin ang mga Pilipino.
Sa ganitong sistema, pinapapasok sa ibang bansa ang mga manggagawa gamit ang tourist visa, ngunit sa kalaunan ay hindi na naayos ang kanilang work visa. Dahil dito, nagiging mahina ang kanilang posisyon at madalas silang mapilitang tanggapin ang hindi makatarungang kondisyon sa trabaho.
- Latest