Bebot binoga ng katropa sa mukha
MANILA, Philippines — Patay ang isang babae matapos nang barilin ng kanyang mga katropa sa umano’y illegal na droga sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si alyas Ekang, 33, ng Brgy. Pasong Putik, QC habang tugis naman ang tatlong kalalakihan na armado ng baril.
Batay sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang pamamaril sa biktima bandang alas-3:54 ng madaling araw kahapon sa eskinita ng Samawena corner Malipaka St., Brgy. Pasong Putik, Quezon City.
Sa kuha ng CCTV nakita pa ang biktima na kausap ang isang lalaki na nakasuot ng hoodie.
Makalipas ang ilang sandali binaril ng lalaki ang biktima sa mukha at sa tagiliran saka mabilis na tumakas kasama ang dalawa pang lalaki.
Nakita naman ng isang saksi ang duguang biktima kaya agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Lumilitaw naman sa record ng PNP Crime Information Reporting Analysis System (CIRAS), na dati nang nasangkot sa paglabag sa Section 11 ng R.A. 9165 noong 2022 at 2023 ang biktima.
- Latest