Hatol na ‘life’, P2 milyong multa kinatigan ng SC
Recruiter ng mga menor-de-edad
MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Korte Suprema ang naging hatol ng Court of Appeals at Regional Trial Court na makulong ng habambuhay at pagmultahin ng P2-milyon ang dalawang akusado sa sexual exploitation ng mga menor-de-edad.
Iginiit sa desisyon nitong Disyembre 4, 2024 ng Supreme Court Second Division, na ang pagre-recruit ng kabataan para sa sexual exploitation, kahit walang paggamit ng pwersa o coercion ay maituturing na child trafficking.
Kinatigan ng SC ang conviction laban kina Jhona Villaria at Lourdes Maghirang sa kasong qualified trafficking in persons.
Nag-ugat ang kaso sa entrapment laban sa dalawa noong 2016, sa paglalako ng 9 na babaeng may edad 14-18 sa isang birthday party, kapalit ng P1,000 para sa 3 oras at P3,000 kung overnight. Sa pagdinig, sinabi ng mga biktima na natukso sila sa pera kapalit ng prostitusyon o ‘sexual acts’.
Nilinaw ng SC na sa ilalim ng Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), “a crime is still considered trafficking if it involves the recruitment, transportation, transfer, harboring, or receipt of a child for exploitation, even if the means employed are not within those indicated in the law.”
Bukod sa kulong at multang P2-milyon, inatasan din ang mga akusado na bayaran ang siyam na biktima ng tig P600,000 bilang danyos.
- Latest