Murang bigas mabibili sa supermarket - DA
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na higit pa nilang palalawakin ang Kadiwa ng Pangulo Rice-for-All sa mga malalaking retail chains sa bansa kabilang ang mga supermarket.
Ang paniniyak ay ginawa ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. kasunod ng kanyang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng mga supermarkets, groceries, at convenience stores para talakayin ang inisyatibang ito na layong mapatatag ang presyo ng bigas.
Ayon kay Tiu Laurel, sa tulong ng mahigit 3,200 retail outlets, kabilang ang SM, Robinsons, 7-Eleven, Puregold, at MerryMart, mas magiging accessible ang murang bigas sa milyun-milyong mamimili araw-araw.
“Naniniwala kami na ang solusyon na ito ang magpapatatag ng presyo ng bigas nang mas mabilis at mas epektibo,” sabi ni Tiu Laurel.
Target ng DA na simulan ang pilot rollout nito sa Metro Manila kasama ang ibebentang P29 kada kilong bigas para sa mga mahihirap na sektor at Rice-for-All (RFA) Program kung saan kabilang sa alok ang RFA5 (5% broken), RFA25 (25% broken), at RFA100 (100% broken), o Sulit Rice.
Ang Food Terminal Inc. (FTI), isang government-owned corporation, ang mamamahala sa supply at packaging ng bigas na ipapamahagi sa mga kasali sa retail chains.
Dagdag pa ng Kalihim, babantayan ang pilot initiative sa loob ng ilang buwan bago ito palawakin sa ibang rehiyon.
- Latest