2 African timbog sa higit P97 milyong halaga ng shabu sa NAIA
MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang South African makaraang maharang ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa pagtatangkang magpuslit ng higit P97 milyong halaga ng shabu kahapon ng umaga.
Batay sa report na isang intelligence officer mula sa Cargo Police Station ang rumesponde sa tip-off na ipinarating ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa isang kahina-hinalang parsel na na-flag noong X-ray screening.
Kinumpirma ng Narcotic Detection Dog (NDD) ang pagkakaroon ng ilegal na droga sa pamamagitan ng pag-upo sa tabi ng parsela ng K-9 paneling.
Sa kasunod na manual inspection ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ay natuklasan ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na substance na nakatago sa loob ng isang pares ng sapatos.
Ang parsel na idineklara bilang “Junior Shoes,” ay ipinadala ng isang lalaking sender na naninirahan sa Taguig City, at ipinadala sa isang lalaking recipient sa United Kingdom. Tumitimbang ng humigit-kumulang 14 gramo ang shabu na may halagang P97.8 milyon.
Ang mga nasabat na droga ay agad na dinala sa PDEA National Office sa Quezon City para sa karagdagang pagsusuri at disposisyon. Hahawakan ng mga awtoridad ang kaso at magsasampa ng kaukulang kaso laban sa natukoy na indibidwal.
Pinuri ni PBGen. Christopher M Abecia, Acting Director ng PNP AVSEGROUP, ang mga awtoridad sa paliparan sa kanilang mabilis na pagtugon at pangako sa paglaban sa pagpuslit ng ilegal na droga sa pamamagitan ng mga air cargo channel.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay binibigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan at pagbabantay sa pagitan ng mga ahensya sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng publiko sa lahat ng paliparan sa buong bansa,” aniya.
- Latest