‘Sampaguita girl’ estudyante, ‘di miyembro ng sindikato – PNP
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Mandaluyong City Police na scholar at hindi rin miyembro ng anumang sindikato ang ‘sampaguita girl’ na itinaboy at sinipa kamakailan ng isang guwardiya ng mall.
Ayon kay Mandaluyong City Police chief PCol. Mary Grace Madayag, mismong ang barangay ang nagpatotoo na estudyante ang nag-viral na dalaga na iskolar sa isang private school.
Nagtitinda lamang aniya ito ng sampaguita pagkagaling sa eskwela upang makabili ng pangangailangan sa eskwela, lalo na at kade-demolish lang ng tahanan nito sa Quezon City.
Natunton na rin umano nila ang bata, na 18-anyos na pala, at nakumpirma dito na siya ay isang medical technology student.
“Yung bata po ay totoo pong estudyante. In fact nga po, siya po ay iskolar ng isang private institution at matalinong bata, at nagsusumikap lamang po na madagdagan ‘yung mga pangangailangan nila sa kanilang eskuwela,” ani Madayag.
Matatandaang nag-viral ang isang video kung saan makikitang pinaaalis ng guwardiya ang isang batang naka-school uniform dahil sa pagkakaupo nito sa hagdan ng mall.
Nang hindi tumalima ang estudyante, hinablot ng guawardiya ang sampaguita nito at sinipa kaya gumanti ng hampas ang bata.
Agad namang umaksiyon ang mall at agad na tinanggal sa trabaho ang guwardiya.
- Latest