Malabon LGU kikilala ng ‘cleanest barangay’ 2025
Bayanihan para sa kalikasan
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Malabon LGU na makatutulong sa pagbabawas ng basura ang pagbabayanihan sa mga komunidad sa lungsod kasabay ng paglulunsad ng “Search for the Cleanest Barangay 2025”.
Ayon kay Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, 21 barangay ang magbabayanihan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa kanilang mga nasasakupan.
“Ito na ang panahon upang tayo ay magtulong-tulong tungo sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran,” ani Sandoval.
Maipapamalas din ng Malabueños ang galing, pagkakaisa, at pagkakaroon ng pakialam at pagkalinga sa kalikasan na kinakailangan para sa magandang kinabukasan.
Sinabi naman ni City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Officer-in-Charge Mark Mesina na pagkakataon ito upang makita ang pagkakaisa ng mga residente sa bawat barangay at pagdidisiplina sa pamamagitan ng segration.
Ani Mesina, malaking tulong ang segration sa paghakot ng mga basura at laban sa pagbaha.
Dagdag pa ni Mesina na ang “Search for the Cleanest Barangay 2025” ay hihikayat sa ibang lugar na panatilihing malinis ang kanilang paligid.
Magsisimula ang paligsahan sa Marso at sa Disyembre naman malalaman ang mga magwawagi ng mula P50,000 hanggang P1 milyon.
- Latest