3 magkakapatid patay sa sunog sa Maynila
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong magkakapatid na babae nang sumiklab ang isang sunog sa kanilang tahanan sa Sta. Mesa, Manila kamakalawa.
Ang mga biktima ay kinilala lamang na sina Ashanty Kate, 7; Ashley Kaye Balaba at Sushmita Adelain, 16.
Lumilitaw sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Sta. Mesa Police Station 8 (PS-8) na dakong alas-5:12 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na residential building sa Guadalcanal St., Sta. Mesa at pagmamay-ari ng isang ‘Ginalinda Reyes.’
Ayon kay Barangay Chairman Francisco Blanco, ng Barangay 597, malakas ang usok sa tahanan nang madatnan nila ngunit walang lumalabas na apoy.
Sinabihan sila ng ina ng mga biktima na naiwan ang tatlo sa loob ng bahay ngunit hindi naman nila mapasok ang tahanan dahil sa makapal na usok.
Nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang bahay dahil kulob at maliliit ang mga kalsada.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang fire out dakong alas-5:58 ng gabi.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy na tumupok sa tinatayang P30,000 halaga ng ari-arian.
- Latest