Suspek sa kidnap-slay ng negosyante, may ibinaon din sa Caloocan
MANILA, Philippines — Sabit din sa kaso ng pagkawala ng isang lalaki sa Caloocan City ang isa sa mga suspek na nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagkidnap at pagpatay sa isang negosyante sa Quezon City noong Enero 5.
Batay sa report na nakarating kay QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr., ang suspek na si Noli Cape, 29, ay positibong itinuro ni Ginang Ruby Gonzaga ang suspek na si Cape na kaibigan ng kanyang anak na si Noel Gonzaga, 29, na nawawala simula pa noong 2022. Kaibigan ni Cape si Noel kaya naniniwala ang ginang na may nalalalaman ito sa pagkawala ng kanyang anak.
Ayon kay Buslig, nagtungo sa QCPD ang ginang matapos na makita sa telebisyon si Cape na nahuli bunsod ng pagkakasangkot sa kaso ng pagdukot at pagpatay kay William Pascaran, Sr., kasama sina Mervin Armas, 44 at Victor Vidal Dueñas, 62, alyas John Paul Dwight at Lope Jimenez.
Kinuwestiyon ng mga pulis si Cape at inamin naman nito ang kanyang ginawa kay Noel kung saan itinuro ang lugar kung saan niya inilibing ang bangkay nito. Tinungo ng mga operatiba ang isang madamong lugar sa Pangarap Village, Brgy. 182, Caloocan City na pinatotohanan din ng may-ari ng lupa na Marso 18, 2022 nang mahukay ang isang patay na tao.
Ang bangkay ay dinala at naka-freeze sa Crystal Funeral Homes kung saan kinilala ni Ginang Ruby ang bankay ng anak .
Samantala, si Duenas ay isinasangkot din sa pagpatay sa kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda na si Ruby Rose Barrameda noong 2007.
- Latest