Higit 1.5 milyong lumahok sa INC peace rally
MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit 1.5 milyong miyembro ang dumalo sa idinaos na peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, Manila kahapon.
Ito’y bilang suporta sa panawagan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na huwag ituloy ang impeachment complaint laban kay Vice Pres. Sara Duterte.
Sa crowd estimate ng Manila Police District (MPD), nabatid na naitala ang naturang bilang hanggang 4:00PM na siyang simula ng program proper para sa National Rally for Peace ng relihiyosong grupo.
Gayunman, dakong 10:00AM pa lamang ay mahigit sa isang milyon na rin ang nagtitipun-tipon sa Quirino Grandstand at matiyagang naghihintay ng pagsisimula ng aktibidad habang nanonood ng programang iginayak ng INC para sa kanila.
Karamihan sa mga miyembro ng INC ay mula pa sa mga kalapit na lalawigan ng Cavite, Quezon, Tarlac, Nueva Ecija, at Zambales, na ang iba ay nagsimulang magsidatingan sa Quirino Grandstand, nitong Linggo pa lamang ng gabi.
Sa naturang pagtitipon, umapela ang mga miyembro ng INC ng pagkakaisa at kapayapaan, sa gitna nang nagaganap na sigalot pampulitika sa pagitan nina Pang. Marcos at VP Sara dahil wala anila itong idudulot na kabutihan para sa bansa at sa mga mamamayan.
Bukod naman sa Quirino Grandstand, idinaos din ang rally sa 13 pang lugar sa bansa, na dinaluhan naman umano ng tinatayang aabot pa sa 300,000 miyembro ng INC.
Naging mapayapa naman ang pagtitipon na nagtapos makaraan ang may dalawang oras, sa pamamagitan ng isang panalangin.
- Latest