10 katao huli sa unang araw ng gun ban – PNP
MANILA, Philippines — Sampu katao ang dinakip habang kinumpiska ang ilang mga baril sa ilang lugar sa bansa sa unang araw ng implementasyon ng gun ban kahapon at pagsisimula ng election period para sa midterm polls.
Ayon kay Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil, tig isa ang naitala mula sa rehiyon ng BARMM, Region12 (Soccsksargen) at Region 6 (Western Visayas).
Sa report naman ni Nueva Ecija Police Provincial Office PCol. Ferdinand D. Germino, pito ang dinakip sa magkakahiwalay na checkpoint sa lungsod na ito at sa mga bayan ng San Leonardo, Jaen, Quezon at Talavera.
Naaresto ng San Leonardo Police Station ang isang indibidwal at nakumpiska ang isang .38 caliber revolver habang ang Jaen Police Station ay nakahuli rin ng isa at narekober ang isang .9mm pistol na may walong bala.
Sa Cabanatuan City Police Station ay tatlong indibidwal ang nahuli at nasamsam ang dalawang baril: isang .9mm pistol na may 18 basyo ng bala at isang .40 caliber pistol na may 11 basyo ng bala.
Isang indibidwal din ang naaresto ng Quezon Police Station at, narekober ang dala nitong .9mm pistol na may kargang anim na bala habang isa rin ang inaresto ng Talavera Police Station at nakumpiska ang isang .38 caliber revolver na may anim na bala, kasabay nang pagkakasamsam ng 0.40 gramo ng shabu rito, na tinatayang nasa P2,720 ang halaga.
Ang pitong indibidwal ay kakasuhan ng paglabag sa section 261 ng Omnibus Election Code COMELEC Gun Ban, RA 10591 at RA 9165.
Ang pagpapatupad ng Comelec Check- points ay bahagi ng security protocols upang mapigilan ang anumang gulo at karahasan sa nalalapit na halalan. Magtatatagal ang Hun ban hanggang Hunyo 12, 2025.
Sa nationwide gun ban mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril ng sinumang sibilyan maliban na lamang kung may permit o sertipikasyon mula sa Comelec.
Tanging ang mga pulis at sundalo lamang ang awtorisadong magbitbit ng baril kaakibat ang dokumento na nagsasaad ng kanilang pangalan, ranggo at deployment.
“Ang sabi ko nga sa kanila, ang sabi ng ating Comelec chairman makukulong ka na doon sa mga valid na mga may mga license to own we will revoke your license kapag nahulihan ka namin. Suspended ‘yan, we will just come up a with a policy kung ilang years ka namin hindi ka namin bibigyan ng baril. Just try us, subukan niyo at mag-violate kayo, tatanggalin namin kayo habambuhay na hindi na kayo magdadala ng baril. ‘Yun ‘yung panawagan namin sa kanila,” ani Marbil
Ang gun ban ay paglabag sa Comelec guidelines at may parusang pagkakakulong ng 1 hanggang 6 na taon.
Binigyan diin naman ni Comelec chairperson George Garcia na ang checkpoint inspection ay pangangasiwaan ng mga pulis at militar at ipinatutupad ang “plain view doctrine”.
Hindi maaaring buksan ang sasakyan o compartment sa checkpoint.
- Latest