Paslit, patay; 3 katao, sugatan sa sunog sa Maynila at Pasig
MANILA, Philippines — Isang paslit ang patay habang tatlong katao ang sugatan sa dalawang sunog na sumiklab sa mga lungsod ng Maynila at Pasig kahapon.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:53 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang 2-storey residential house sa A. Francisco St., sa Sta. Ana, Manila na pagmamay-ari ni Aival Abiva, 27.
Minalas na masawi sa naturang sunog ang isang 2-taong gulang na batang babae habang nasugatan naman at nagtamo ng minor burns sa magkabilang braso si Abiva.
Ayon sa mga awtoridad, una nilang inakalang nakaligtas ang paslit dahil sinabi ng tiyuhin nito na nailabas niya ang bata at naipasa sa ibang tao.
Gayunman, nang makalipas ang ilang oras na hindi pa rin nakikita ang paslit ay hinanap na nila ito sa loob ng kanilang bahay ngunit nakita ito doon.
Dito na sila nagpasya na maghanap na rin sa ibang tahanan na tinupok ng apoy at dito nila natagpuan ang bangkay ng paslit na nadadaganan ng mesa at mga yero, dakong ala-1:30 ng hapon.
Umabot ng ikatlong alarma ang naturang sunog bago naideklarang under control pagsapit ng alas-11:35 ng umaga at tuluyang naideklarang fire out dakong alas-11:50 ng umaga.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa P1.2 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok dahil sa naturang sunog.
Samantala, isang sunog din ang sumiklab sa residential area sa Tambakan, Market Ave., Brgy. San Miguel, Pasig City ganap na alas-9:24 ng umaga.
Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago naideklarang under control dakong alas-9:45 ng umaga at tuluyang naapula pagsapit ng alas-10:16 ng umaga.
Nasugatan sa naturang sunog ang dalawang babae na ang isa ay 27-anyos lamang at nakaranas ng hirap sa paghinga habang ang isa pa ay 33-anyos naman at nagtamo ng pananakit at laserasyon sa kanang tenga.
- Latest