Bebot na sabit sa large scale illegal recruitment timbog
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga operatiba ng Parañaque City Police Station-Warrant and Subpoena Section (WSS) ang isang babaeng top 4 most wanted sa Benguet na sangkot sa patung-patong na kaso kabilang ang large scale at syndicated illegal recruitment, sa isang coffee shop sa isang mall, sa Maynila, Linggo ng hapon.
Sa ulat na isinumite ng Parañaque CPS kay Southern Police District (SPD) Director Manuel Abrugena, inaresto sa pamamagitan ng warrants of arrest ang akusadong si alyas “Jam”, 37, ay may nakabinbing mga kasong large-scale at syndicated illegal recruitment sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act), (as amended by RA 10022, in relation to RA 10175) (Cybercrime Prevention Act).
Nabatid na hindi makakapaglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan ang akusado sa dalawang warrant of arrest na inisyu nina Hon. Daniel Dazon Mangallay, Presiding Judge ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 64, Buguias, Benguet, noong Hulyo 18, 2023 at Hon. Leody Malillin Opolinto, Presiding Judge ng RTC, First Judicial Region, Branch 62, La Trinidad, Benguet, noong Hulyo 25, 2023 dahil sa parehong “no-bail recommended”.
Nasa kostudiya pa ng Parañaque Police Station si Jam habang hinihintay pa ang return of the warrants.
- Latest