‘Pahalik’ para sa Nazareno, handa na
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Nazareno 2025 at Quiapo Church spokesperson Fr. Robert Arellano kahapon na handa na ang lahat para sa idaraos na tradisyunal na ‘Pahalik’ sa Poong Jesus Nazareno sa Martes, Enero 7 sa Quirino Grandstand.
Ayon kay Arellano, natapos na nila ang preparasyon para sa aktibidad kaya inaasahan na madaling araw ng Martes ay nasa Quirino Grandstand na ang imahe para sa Pahalik.
Matatandaang ang ‘Pahalik’ ay tradisyon ng mga deboto kung saan pumipila sila upang hawakan o halikan ang imahe ng Nazareno.
Matapos ang ‘Pahalik’ isasagawa naman ang midnight mass bago simulan ang pinakaaabangang Traslacion.
Inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto ang Traslacion mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Arellano ang mga deboto na huwag akyatin ang Andas na sinasakyan ng imahe upang maiwasan ang disgrasya.
Binago ang disenyo ng Andas upang hindi matuntungan ng mga deboto.
- Latest