Purok leader patay sa ambush
MANILA, Philippines — Patay ang 53-anyos na purok leader nang barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa isang motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si alias Bonavente, purok leader appointee, at residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Sa report ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang 7:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng Dema building sa kanto ng Commonwealth Ave., at Amity St., sa Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni PMSg George Caculba, abala ang saksi na si alyas Riza sa pag-aayos mga panindang pagkain nang makarinig siya ng isang putok ng baril malapit sa kaniyang lugar.
Tumambad sa kanya ang duguang biktima na nakadapa sa lupa habang isa sa mga suspek ang lumapit sa biktima at kinuha ang sling bag nito saka sumakay sa kanilang getaway motorcycle na minamaneho ng kanyang kasama.
Isinugod ang biktima sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival dakong alas-8:14 ng gabi ng doktor sanhi ng tama ng bala sa leeg.
Nasamsam ng SOCO team sa crime scene ang isang fired cartridge case.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.
- Latest