2 tinedyer na holdaper arestado sa Malabon
MANILA, Philippines — Bagsak sa kulungan ang dalawang teenager makaraang holdapin at saktan pa ang isang babaing estudyante kamakalawa sa Malabon City.
Sa report ni Malabon City Police chief PCol. Jay Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director PCol. Josefino Ligan sina “Biboy”, 16 at “Jemboy”, 19, kapwa residente ng Flovi 4, Paradise Village, Barangay Tonsuya ay agad na naaresto ng mga pulis sa isinagawang follow-up operation.
Bago ito, lumilitaw na dakong alas-2:50 ng madaling araw nangyari ang panghoholdap ng mga suspek sa biktimang si “Cyra” 18 sa Salmon St., Brgy. Longos.
Mula sa likuran ay hinablot ni “Biboy” ang cellphone ng biktima na nanlaban kaya sinuntok siya nito sa sikmura habang nakamasid sa paligid ang kasabwat na si alyas Jemboy na armado ng balisong.
Nang makuha ang cellphone ng biktima, agad tumakas ang mga suspek habang nakahingi naman ng tulong sa nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Sub-Station-5 ang dalaga.
Kaagad hinabol ng mga tauhan ng SS5 ang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa kanila at nabawi sa cellphone ng biktima habang nakumpiska kay alyas Jemboy ang isang balisong.
Kasong Robbery with violence at paglabag sa B.P. 6 o illegal possession of bladed weapon ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.
- Latest