577 road accidents naitala ng DOH ngayong holidays
MANILA, Philippines — Lalo pang tumaas ang bilang ng mga road accidents na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa ngayong holidays.
Sa datos ng DOH, nakapagtala pa ng 48 bagong kaso ng aksidente sa kalsada, sa nakalipas lamang na magdamag.
Dahil dito, sa kabuuan ay umaabot na sa 577 ang road crash accidents na kanilang naitala mula Disyembre 22, 2024 hanggang 6:00AM ng Enero 2, 2025 lamang.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay 33.5% na mas mataas kumpara sa naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Kasama sa naturang bilang ang 500 katao na hindi gumamit ng safety accessories nang maganap ang aksidente; 415 ang motorcycle accident; at 108 ang naaksidente dahil nakainom ng alak.
Samantala, nasa anim na katao ang nasawi dahil sa mga naturang aksidente, kabilang ang apat na nasawi dahil sa motorcycle accident.
Kaugnay nito, mahigpit pa rin ang paalala ng DOH sa mga motorista na gawing ‘BiyaHealthy’ ang kanilang paglalakbay.
Paalala ng DOH na dapat na ugaliing magsuot ng helmet ng mga motorist, angkas, iiwasan bumiyahe kung inaantok at lasing, iwasan ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho at sundin ang itinakdang speed limit at mga road signs upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe at upang maiwasan ang aksidente.
- Latest