Lider ng gun-for- hire itinumba sa Bilibid
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagkamatay ng isa at pagkasugat ng dalawang Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa loob ng New Bilibid Prison, kahapon ng umaga.
Batay sa ulat na isinumite ni NBP Acting Superintendent, Corrections Chief Inspector Roger Boncales, nangyari ang insidente alas-7:15 ng umaga ng Enero 2, 2025 sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng Maximum Security Camp ng NBP.
Pansamantala munang hindi ibinunyag ang pangalan ng mga biktima hanggat hindi pa nakakarating sa mga pamilya at kaanak ang naganap na insidente.
Binigyang-diin ng BuCor na sa pamamaraang ito ay mapapanatili ang dignidad at paggalang sa mga pamilya ng mga PDL na apektado ng hindi magandang pangyayari.
Dahil na rin sa naganap na karahasan, agad namang inatasan ang lahat ng superintendent ng lahat ng operating prison at penal farms sa bansa na magsagawa ng mga hakbang sa pag-iingat upang matiyak na walang gantihang maaring maganap sa kani-kanilang mga nasasakupan kasunod ng insidente ng pananaksak.
Iniutos din ng BuCor na maging maingat ang lahat ng mga superintendent ng operating at prison farm sa kani-kanilang mga OPPF upang matiyak ang kaligtasan ng PDLs at mga kawani ng piitan.
- Latest