2 paslit inararo ng taxi, 1 patay
MANILA, Philippines — Patay ang isang 5- anyos na batang lalaki habang malubhang nasugatan ang 6-anyos na pinsan nito matapos na masagasaan ng isang nagmaniobrang taxi habang naglalaro sa gilid ng kalsada ng Caloocan nitong Biyernes ng hapon.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Dr Jose N Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si alyas Isma, 5-anyos, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ng pinsan nitong si alyas JC, 6. Ang mga biktima ay kapwa residente ng Catleya Street, Barrio San Jose, Brgy. 187 ng Caloocan City.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical Injury ang driver ng taxi na si Christopher Cacho, 47, at residente ng Block 21, Lot 38, NHA Phase 6A Graceville, San Jose Del Monte, Bulacan.
Lumabas sa imbestigasyon ni PSSg Dennis Michael Natividad, bandang alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Dalia St., Brgy., 187 ng lungsod.
Sa inisyal na ulat, tinatahak ng taxi ang kahabaan ng nasabing lugar patungong Catleya nang mahagip at masagasaan nito ang mga biktima na nakaupo at naglalaro umano sa gilid ng kalsada.
Kita rin sa video footage na bigla na lamang nagmaniobra paliko ang driver ng taxi na tuluy-tuloy na sinagasaan ang dalawang bata na nakaupo at naglalaro sa tabi ng kalsada matapos na iwan na ng isa pang batang babae na pina- uwi na ang mga ito sa kanilang bahay.
Kaagad isinugod ng kanilang mga kaanak ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit, ideneklarang patay ang isa sa kanila habang nadakip naman ng pulisya ang driver ng taxi.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest