Nene, putol mga daliri sa 5-star
MANILA, Philippines — Sabog ang kamay at putol ang ilang daliri ng isang 13-anyos na babae matapos masabugan ng paputok na 5-star kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Dinala sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City ang dalagita na nasabugan ng paputok sa kaliwang kamay.
“Itong gitna at palasingsingan, litaw na po yung buto so completion, amputation na lang ang gagawin doon para maisara dahil nakalabas yung buto,” ayon sa ospital.
Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam ang anak nitong Pasko na lalabas lang hanggang sa malaman niyang isinugod na ito sa ospital.
Ikinuwento umano ng anak na siya mismo ang nagsindi ng paputok at dumikit daw sa kamay nang ihahagis na niya. Nagulat ang biktima nang sumabog na sa kanyang kamay.
Labis naman ang pagsisisi ng dalagita sa nangyari.
Siya ang ikalawang kaso ng mga nabiktima ng paputok sa naturang ospital.
Samantala, sunog at lapnos naman ang balat sa binti at hita ng isang 12-anyos na bata na dinala sa Tondo Medical Center matapos na masabugan naman ng iligal na boga.
Nakalabas din siya ng ospital matapos na malapatan ng lunas.
Ang boga, 5-star at piccolo umano ang nangungunang sanhi ng firecracker-related injuries ngayon.
- Latest