‘Life’ sa ina at 3 pang nagbenta ng sanggol online
MANILA, Philippines — Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Quezon City Regional Trial court branch 86 ang ina at tatlong iba pa makaraang mapatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong paglabag sa Section 4(k) na may kinalaman sa Section 6(a) ng Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Maliban sa life imprisonment, pinagmumulta rin ng korte sina Imelda Mabiliran at live-in partner nitong si Maxwell Ifeanyi Bright Okoro at dalawa pang suspek na hindi na naman pinangalanan ng P2 milyong halaga bawat isa dahil sa nagawang kasalanan.
Sa court record, ang sanggol ay ibinenta ng kanyang ina sa halagang P45,000 sa isang babae at nobyo nitong Nigerian national na nakilala umano nito sa Facebook, sa Sta. Cruz, Laguna.
Sinasabing nakilala ng ina ng biktima ang mga suspek sa isang Facebook group na may pangalang “Bahay Ampunan” kung saan nag-umpisa ang transaksyon nila hanggang sa maibenta ang kanyang walong buwang gulang sanggol na babae sa halagang P45,000 sa isang restaurant sa Quezon City noong Marso 3.
Nang malaman ng ina na ilegal ang pagbebenta ng sanggol, tinangka niyang habulin ang mga suspek ngunit blinock na siya sa Facebook at messenger.
Noong Marso 22, dumulog ang ina sa NBI Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) na agad natukoy ang kinaroroonan nina Mabiliran at Okoro kaya agad na nadakip ang mga ito habang sakay ng isang itim na SUV sa Sta. Cruz, Laguna at ligtas na nabawi ang sanggol.
Sinasabing ang ina ng sanggol ay maraming pagkakautang sa sugal kaya’t nagdesisyon na maibenta ang anak para may pera na pambayad sa utang sa online sabong.
- Latest