Mister hinostage misis, 4 anak
MANILA, Philippines — Naresolba ng Taguig City Police ang apat na oras na hostage situation nang makumbinsi ang ama na sumuko at mailigtas ang kanyang live-in partner at apat na menor de edad na anak, sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Taguig City Police Station, sumuko ang 28-anyos na construction worker na nang-hostage gamit ang patalim sa kanyang mag-iina na ikinulong sa loob ng kanilang bahay , na nagdulot ng tensyon sa mga residente sa Barangay Bagumbayan, Taguig City.
Sa ulat na isinumite kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director PBrigadier General Anthony Aberin, dakong alas-7:45 ng umaga nang maganap ang pangho-hostage sa aburidong mister bunga ng pag-aaway nila ng kaniyang kinakasama.
Sa pagresponde ng mga pulis sa pangunguna ng station commander, isinagawa ang negosasyon at ilang taktika kaya dakong alas-11:50 ng umaga nang sumurender ang suspek at maswerteng hindi nasaktan ang apat na menor de edad at kaniyang maybahay.
Umalalay din sa mahabang negosasyon ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT).
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek sa reklamong illegal detention, direct assault, alarms and scandals, at paglabag sa Batas Pambansa 6 (unlawful possession of bladed, pointed, or blunt weapons) sa Taguig City Prosecutor’s Office.
- Latest