Higit P1 milyong ‘tobats’ nakuha sa ‘tulak’ sa sementeryo
MANILA, Philippines — Arestado ang isang umano’y tulak ng iligal na droga na naglulungga sa isang sementeryo, sa Pasay City, bago maghatinggabi ng Sabado.
Kinilala ang suspek na si alyas “Bricks”, high value individual, 24 anyos, residente ng Leonardo St., Barangay 61, Pasay, na nakumpiskahan ng nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,360,000.00.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier General Bernard Yang, isinagawa ang buy-bust operation alas-11:55 ng gabi ng Disyembre 14, sa main gate ng Roman Catholic Cemetery na matatagpuan sa Arnaiz Avenue, Barangay 120, Pasay City.
Pinangunahan ng SPD-District Drug Enforcement Unit na pinamunuan ni P/Major Cecilio Timas Jr. , kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency-Southern District Office, District Investigation Division, District Special Operation Unit, District Mobile Force Battalion ng SPD at Station Drug Enforcement Unit, Sub-Station 4 ng Pasay City Police Station, ang matagumpay na operasyon.
Kinumpiska rin ang Realme mobile phone ng suspek na ginamit sa transaksyon sa nagpanggap na buyer para gamiting ebidensya, bukod sa iligal na droga at buy-bust money sa isasampang paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest