Mark Taguba, 2 iba hinatulan ng ‘life’ ng Manila RTC
MANILA, Philippines — Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng Manila Regional Trial Court laban sa customs broker na si Mark Ruben Taguba at dalawang iba pa, bunsod ng pagkakasangkot nila sa umano’y pagpupuslit ng P6.4 bilyon halaga ng shabu sa bansa, mula sa China.
Sa 37 pahinang desisyon ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ng Manila RTC Branch 46, napatunayang si Taguba, at sina Eirene Mae Tatad, consignee ng shipment, at negosyanteng si Dong Yi Shen, na kilala rin bilang si “Kenneth Dong,” ay guilty sa kasong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod sa life imprisonment, inatasan din ng hukuman ang mga akusado na magbayad ng tig-P500,000 na multa.
Sa rekord ng korte, nag-ugat ang kaso laban sa mga akusado sa shipment ng 602,279 kilo ng hinihinalang shabu noong Mayo 2017.
Inilagay naman ng korte sa archive ang kaso laban sa iba pang indibidwal na isinangkot din sa shipment na kinabibilangan nila Chen Julong, alyas ‘Richard Tan’; Li Guang Feng; Teejay Marcellana at Chen I-Min.
Nanatili namang aktibo ang arrest warrant na inisyu laban sa kanila ng korte.
- Latest