P1.3 milyong shabu nasabat, 5 ‘tulak’ timbog sa buy-bust
MANILA, Philippines — Limang drug suspect ang bumagsak sa kamay ng Quezon City Police District (QCPD) na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasa higit P1.3 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations sa lungsod.
Batay sa report na tinanggap ni QCPD Officer-in-Charge PCol. Amante Daro, puspusan ang operasyon ng Fairview Police Station 5 sa ilalim ni PLt Col. Richard Mepania at Batasan Police Station 6 sa pamumuno ni PLtCol. Romil Avenido.
Sa Police Station 5, nadakip sina Johnmark Kusain, 26, residente ng Brgy. Culiat, Quezon City; Niño Dael, 30 at Lee Longay, 30 kapwa residente ng Brgy. Tandang Sora, QC.
Bandang alas-3 ng madaling araw kahapon nang ikasa ang buy-bust operation laban kina Kusain, Dael at Longay sa Regalado Ave., cor. Bulova St., Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Nakuha sa mga ito ang nasa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, isang pouch, at buy-bust money.
Dakong alas-5:55 naman ng hapon nitong Huwebes nang makalawit ng Police Station 6 sa IBP road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City sina Mark Joshua Abuyen, 26, ng Brgy. Rosario, Pasig City at Roselle Lacsa, 23,ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Agad na kinumpiska ng mga pulis ang nasa 100 gramo ng shabu na may street value na P680,000, isang Yamaha Aerox motorcycle, dalawang helmet, dalawang cellular phones, isang pouch, coin purse at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.
“Ang matagumpay na pagkakasamsam ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu at ang pagkakaaresto sa limang indibidwal sa sunud-sunod na buy-bust operations ay patunay ng dedikasyon ng QCPD sa pagtutok laban sa iligal na droga”, ani Daro.
Patuloy lang ang mga anti-illegal drug operations ng QCPD upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga komunidad sa Lungsod.
- Latest