Riding-in-tandem tiklo sa panghoholdap sa 2 Hapon
MANILA, Philippines — Arestado ang riding-in-tandem na nangholdap sa dalawang Japanese national sa isinagawang dragnet operation ng Makati City Police kamakalawa ng umaga sa nasabing Lungsod.
Nahaharap sa reklamong robbery at illegal possession of firearms sa Makati City Prosecutor’s Office ang mga suspek na sina alyas Wendell, 26 at alyas Jeffrey, 23, matapos mabawi sa kanilang pag-iingat ang ¥10,000,00.
Batay sa reklamong idinulog ng dalawang lalaking Japanese national na may edad 62 at 33, bandang alas-8:45 ng gabi ng Nobyembre 7 nang holdapin sila ng dalawang lalaking armado ng baril sa Don Chino Roces Avenue.
Inilarawan ng mga biktima ang motorsiklo ng mga suspek na wala umanong nakakabit na plate number kaya ikinasa ang dragnet operation.
Alas-6:50 ng umaga ng Nobyembre 8 nang masakote ang dalawang suspek ng mga operatiba ng Makati City Police Sub-station 3, sa Don Chino Roces Avenue, harapan ng Makati Cinema Square, sa Barangay Pio Del Pilar, Makati.
Nakuha sa mga suspek ang isang X9 9mm firearm na may serial number at magazine na kargado ng 4 bala at ang sampung piraso ng ¥1,000 bills.
- Latest