Driver na may pekeng ‘7’ plaka, sumuko na
May-ari ng SUV kaanak ng senador
MANILA, Philippines — Humarap na sa Land Transportation Office (LTO) ang driver ng SUV na may “No. 7” plate na si Angelito Edpan ng Orient Pacific Corporation kung saan mahaharap ito sa patung-patong na kaso.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni Director Francis Almora, hepe ng Law Enforcement Service ng LTO na bukod sa pagkumpiska sa driver’s license ni Edpan, kakasuhan ito ng disregarding traffic sign na may multang P1,000, paglikha ng epekto sa mga motorista at muntik pagbangga sa traffic enforcer na may paglabag na reckless driving na may multang P2,000 at paggamit ng sasakyan na nilagyan ng plate number 7 at hindi paggamit sa regular plate ay paglabag sa executive order 56 ay may multang P5,000.
Nilinaw naman ni LTO Asst Secretary Vigor Mendoza na ang mga penalties ay ipapataw sa driver dahil sa nagawa nito at maaaring madagdagan pa depende sa resulta ng kanilang ginagawang imbestigasyon.
“No LTO protocol plate issued to them. Liability ito ng registered owner“ ani Mendoza.
Ang SUV ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation.
Ayon naman kay Edpan sinubukan lamang niyang dumaan sa Edsa Bus way dahil sa pagmamadali at agad na maihatid sa East Ocean Restaurant ang kanilang guest na hindi nito pinangalanan. Matagal na aniyang nakalagay sa nasabing sasakyan ang No.7 na plaka.
Kadalasan aniyang ginagamit ang SUV bilang company car para sa mga guest investor ng kompanya. Samantala, kinumpirma naman ni Senador Raffy Tulfo na kamag-anak ng isang senador ang may-ari ng SUV na Cadillac Escalade.
“Base po sa aking intel report, dumating itong pasahero nung Nov. 3 sa NAIA Terminal 1 via PR 427 from Narita, Tokyo to Manila arrival time 6:06 pm. Now, lumabas ng NAIA terminal around 6:30 pm. Gumamit siya ng Skyway north bound going to Magallanes and nag-exit sa Edsa north bound,” ani Tulfo.
Kasama rin umano ng may-ari ng SUV ang kanyang security na dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“That’s why we will coordinate with the AFP para alamin, tukuyin kung sino ‘yun. At siyempre ‘pag natukoy ‘yun, kakausapin natin ‘yung security most probably baka sabihin niya kung sino kanyang VIP (very important people),” ani Tulfo.
- Latest