Away sa parking: Grab driver todas sa tricycle driver
MANILA, Philippines — Patay ang isang grab driver matapos na pagbabarilin ng naka alitang tricycle driver dahil sa parking space kamakalawa ng hapon sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Patrick Palapag Diosana, 36, ng no. 42, FFF Extension, Barangay Culiat, Quezon City habang pinaghahanap naman ang suspek na si Rey Awa Olea, 45, alyas Jumong at naninirahan sa Sitio Mabilog, ng nabanggit ding barangay.
Sa pagsisiyasat ni PSSg Nido B Gevero, Jr. ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang pamamaril dakong alas-5 ng hapon Union Drive Extension, Brgy. Culiat, Quezon City.
Sa pahayag ng saksi, nakita niyang ipinarada ng biktima ang kotse sa Union Drive Extension nang biglang dumating ang suspek.
Dito na binaril ni Olea ang biktima at saka mabilis na tumakas patungong New Era TODA dala ang ginamit na baril.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na may alitan na sa parking sa Union Drive Extension ang biktima at suspek.
Nakarekober naman ang SOCO Team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Eric Angay-Angay ng dalawang basyo ng bala ng baril sa crime scene.
Base sa cursory examination nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek.
- Latest